Bakit tayong mga higit na 7 milyong migranteng Pilipino ay masigasig na
ipinaglalaban ang pagkabisa ng ating karapatang bumoto o maghalal ng ating
sinusuportahang kandidato? Ang mga tagapagtanggol sa mahalagang karapatan ng mga
migranteng Pilipino, tulad ng karapatang bumoto, ay mabilis na ipinahahayag na
tayo ang siyang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas sa bawa't bugso ng krisis
na dinaranas taun-taon. Ang mga migranteng Pilipino ay nakapagpapadala ng higit sa 7
bilyong dolyares sa pamamagitan ng bangko. Liban pa rito ang higit na 7 bilyong
dolyares na personal na naiuuwi ng mga overseas Filipinos na ipinakidala sa mga
kaibigan at kamag-anakan.
Tunay na matagumpay nating natatawid ang mga mababagsik na bagyo na sumasalanta
sa ekonomiya ng ating Inang Bayan, kung maihahambing tayo sa ating mga kalapit na
bansa sa Asya. Nguni't kapalit nito ang masakit na paghihiwalay ng mga migranteng
Pilipino sa kanilang mga mahal sa buhay at mga malulupit na karanasan na halos hindi
kayang iguhit o isalarawan.
Ang mga migranteng Pilipino ay tagapagtatag sa pagsibol o pagtubo ng mga
mamamayang "middle-class" at ang matibay na pag-establisa ng ekonomiya sa
pamamagitan ng pagbigay-puhunan sa mga iba't-ibang industriya, tulad ng
transportasyon, real-estate, housing, konstruksyon, impormasyong panteknolohiya,
bangko, insyurans, edukasyon, abyasyon, at manupaktura.
Ang gawain natin ay tagapag-angat o taga-gamot ng nanlulupaypay o naghihingalong
ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa sarili nating gobyerno, tayo ang itinuturing na
"Dakilang Bagong Bayani" --- ayon dito, nararapat lamang na ibalik nila
ang ating karapatang bumoto o maghalal ng napili nating kandidato.
Nguni't hindi lamang natin ipinaglalaban ang ating karapatang bumoto dahil sa
kontribusyon natin sa buhay ng ekonomiya kundi dahil ito ay tunay na ating karapatan
bilang malusog at buhay na buhay na mamamayan ng ating Inang Bayan. Nais nating
madama at maisakatuparan ang tunay nating pagiging mamamayan at mayroon tayong
karapatan na maging bahagi sa pagpapatakbo sa buhay ng pulitika ng ating bayan.
Ang Inang Bayan at kahit na sinumang bansa ay umiinog sa ngalan ng pulitika. Ang
migranteng Pilipino ay may karapatang maging bahagi sa pagbubuwag ng mga krimen at
masamang gawain na nangyayari sa pamahalaan. At ganoon din sa karapatang maging
bahagi sa pagkahilom ng nabulok na patakbo ng mga nagdaang mga administrasyon. Ang
pagpupugay sa mga migranteng Pilipino tuwinang dumarating o umaalis sa NAIA ay
hindi sapat na kabayaran na maipagpapalit sa pagkilala ng kanyang karapatan
bilang isang tunay na mamamayan ng ating Inang Bayan. Marami sa atin ang nanatiling
tapat sa ating sariling bayan, walang balak itatwa o talikuran ang dugong Pilipino
at ang lupang sinilangan.
Ang mga modernong teknolohiya (Internet, satelayt na telebisyon, mga praktikal na
serbisyong telepono, lalo na ang teksting) ay naging mabisang instrumento o kalasag
sa pagtunghay sa aktwal na nangyayari sa Pilipinas. Naging mabisang kasangkapan ang
mga bagay na ito para masubaybayan tuwi-tuwina ang mga nangyayari hinggil sa ating
sariling bansa; ganoon din sa mga kapwa migranteng Pilipino na nasa ibang
lupalop ng buong mundo.
Sa Internet, mahigit 90 porsyento sa mga bumibisita sa ating mga pahayagang ay
mga migranteng Pilipino. Maliwanag na tayo ay masigasig na sumusubaybay sa pagnanais
na makagisnan ang tunay na pag-igi at kapakanan ng ating bayan. Nang dahil dito
dalawa sa pahayagan sa Pilipinas na may Website ay tinatagurian na "top-ranked
news sites" sa buong mundo (tulad ng CNN.com at NYTimes.com).
Ang atin bang pagkawalay sa kandungan ng ating Inang Bayan ay sapat na dahilan
para tayo ay hubaran ng ating karapatan bilang isang mabuting mamamayan? Tunay na
hindi tayo makapapayag dahilan sa lakas ng lukso ng ating dugo at sa ating pagiging
tapat sa lahing Pilipino at dahil din sa nagagawa at nakikita nating paulit-ulit
nating pagbuhay sa ekonomiya. Kasama rin dito ang hindi natin pagtalikod o pagtatwa
sa ating pagiging Pilipino sa pamamagitan ng araw-araw nating koneksyon sa
pag-aruga, pagkalinga, pagmamahal, at pagtanggol sa sarili nating bansa! Ngunit ano
ang silbi ng ating pagiging mamamayang Pilipino kung wala naman tayong karapatang
bumoto? Kung tinanggal sa atin ang karapatang ihalal ang mga napiling
kandidato?
Ang 1987 na Saligang Batas ng Pilipinas ay nagpapahayag na dapat payagan o
bigyang laya ang mga migranteng Pilipino upang malayang makaboto. Mahigit nang 14 na
taon ang nakalilipas at, hanggang sa ngayon, ay walang kinahinatnan ang panukalang
batas para makaboto ang mga migranteng Pilipino.
May mga iba't ibang bersyon ng panukalang batas na ito ang umabot sa mga
kinauukulang kumite ng Kongreso nguni't hindi tuluyang dumaloy upang maging batas
dahil sa mga walang kuwentang sutsutan at bangayan, kasama na rin ang
pagsawalang-bahala ng karamihan sa ating mga mambabatas. Ang mga panukalang batas na
ito ngayon ay nakalibing, inaamag at linalawa sa mga arkibo ng Kongreso. Muling
binuhay ang usapin na ito sa pamamagitan ng HB 10720 at SB 1746 noong nakaraang
taon nguni't ito'y napawalan ng saysay dahilan sa eskandalo na nangyari sa
gobyerno nito lamang nakaraan na panahon.
Ito ay isang malaking kalapastanganan at pagkakamali; malaki ang pagkukulang ng
Kongreso at ng mga pangulo ng mga nagdaang administrasyon sa mga migranteng Pilipino
dahil sa paulit- ulit na pagkaunsyami ng pagkamahalagang karapatan natin upang
bumoto at sumali sa eleksyon.
Ang pinakamatagumpay na panlipunang pakikibaka, ayon sa kasaysayan, ay humantong
sa pagkapaalis ng mga punong manlulupig at malulupit, ang pagkalaya ng mga
inaalipin, ang pagkabisa ng karapatang bumoto para sa bawa't mamamayan. Sa Estados
Unidos, ang karapatang bumoto ay unang ipinagkait sa iba upang bigyang daan ang mga
puting kalalakihan na may-lupa at may-kaya sa buhay. Hindi naglaon, lahat, sabay ng
mga mahihirap, ang mga itim, at mga kababaihan, ay naging bahagi sa proseso ng
paghahalal sa Amerika.
Mula noong World War II, ang Estados Unidos ay pinayagan o kinilala ang mga
migranteng Pilipino na may karapatang bumoto bilang bahagi ng kanilang karapatan
bilang mamamayan ng Amerika. Halos 40 na iba't-ibang bansa ang sumunod gaya ng
Canada, Great Britain, Germany, France, Switzerland, Australia, Italy, Spain, India,
Venezuela, Brazil, Colombia, Peru, South Africa, Senegal, Bosnia, Croatia, Armenia,
Japan, Thailand, at Indonesia ay tinagurian at kinilala ang kanilang mamamayan na
nasa ibang bansa bilang tunay na mambobotong mamamayan.
Ang Pilipinas, gaano man siya ihalintulad sa makademokrasyang larawan, ay hindi
makahabol sa mga bansa na kumikilala sa karapatan ng kanilang mga migrante bilang
mga mamamayang may karapatang bumoto.
Tayo bang mga higit na 7 milyong migranteng Pilipino sa iba't ibang lupalop ng
daigdig ay papayag na paulit-ulit na yurakan at itakwil ng mga nakapapangyari sa
ating bansang Pilipinas sa pamamamagitan ng hindi nila pagbigay sa atin ng
kakayanang bumoto para sumali sa halalan? Hinding-hindi tayo papayag! Tama na! Sobra
na!
Husto na at itigil na ang mga pulitikang pambobola at mga hilaw na pangako.
Walang ibubunga ang mga ito kundi ang lalong pagka-inis at umiigting na galit nating
mga migranteng Pilipino. Gagawin natin ang lahat upang maipagpatuloy ang pag-aruga
at pag-alaga sa mahina pa nating ekonomiya ng Pilipinas. Hindi tayo tumigil o
titigil sa pag-aruga sa ating mga kapwa. Nais nating maging bahagi sa paglutas at
paghilom ng nasadlak, napanot, napahirapang bayang sinilangan. Sa pamamagitan ng
modernong teknolohiya maisasakatuparan ang ating karapatan upang mapabilang ang
ating boto sa mga darating na halalan.
May mga kalakip na di mapasubaliang katotohanan ang pagkabisang muli ng
kakayanang bumoto para sa ating mga migranteng Pilipino at marami sa atin ang
mga matatalino, masisipag, at mga dalubhasa sa kani-kanilang siyensya at disiplina.
Tayong mga mamamayang migranteng Pilipino, na sapilitang napalabas ng Pilipinas
dahil sa kawalan ng kaukulang pagkakataon upang maghanap-buhay sa sariling bayan, ay
nagtiis, at patuloy na nagtitiis, ng labis na hirap at kalungkutan sa ibat-ibang
sulok ng mundo na ating kinasadlakan. Subali't sa kabila ng dusang dinaranas,
sa kabila ng mga pag-alipustang natatanggap, sa kabila ng mga hamon na hinaharap na
minsan ay kasama ang pagtaya at pagkawala ng sariling buhay, patuloy nating
ipinaglalaban at inaangkin na tayo ay Pilipino. Kahit sa dahilang ito man lamang,
hindi maaaring ipagkait sa atin, ang di mapasubaliang karapatang humalal ng ating
mga pinuno sa kasalukuyan at sa mga darating pang halalan sa sarili nating bayan.
TAYONG MGA MIGRANTENG PILIPINO SA IBA'T-IBANG BAHAGI NG MUNDO AY PATULOY NA
MANANAWAGAN AT MAKIKIBAKA NA MAIBALIK ANG ATING HINUBAD O TINANGGAL NA KARAPATAN SA
LAHAT NG PAMAMARAAN UPANG BIGYANG-PANSIN NINA GNG. GLORIA MACAPAGAL-ARROYO, NG MGA
OPISYALES NG KASALUKUYANG PAMAHALAAN, NG MGA OPOSISYON, AT LAHAT NG MGA
MAGIGING MAMBABATAS SA IKA-LABINDALAWANG KONGRESO, NA DAPAT GAWING PANGUNAHING
PANANAGUTAN NILA SA SAMBAYANANG PILIPINO ANG PAGKABISA NG BATAS PARA MAKABOTO ANG
LAHAT NG MGA MAMAYANG MIGRANTENG PILIPINO.
BIGYANG-BISA SA PAMAMAGITAN PAMBALOTANG LAKAS ANG MGA MIGRANTENG PILIPINO SA
SANLIBUTAN. IBIGAY AT IBALIK ANG LIKAS NA KARAPATAN AT DANGAL NG MGA MAMAMAYANG
MIGRANTENG PILIPINO!
Thanks to Terry and Chee of the OFW-Vote for the translation.
|